Thursday, September 10, 2009

Taxi Tales

I am always fascinated with the tales of taxi drivers. The subject varies: from politics, economy, weather, religion to more personal stories of love, family, dreams, and struggles. I learned some of the important lessons in life from them. This is my tribute to them. To put a voice to their stories, usually told inside their taxi.

Basta (Taxi) driver, sweet lover

One rainy afternoon, after my class in La Salle, I hailed this Kia taxi cab (I have no choice that time as it was difficult to find an empty cab).

Pagkasakay ko pa lang, binati na ako ni Manong Taxi ng napakasarap na tawa. Sa loob-loob ko, “patay may topak pa ata etong nasakyan ko.”

Umupo ako at hindi pa kami masyado nakakalayo, biglang nagsalita si Manong, “Masaya ako ngayon, ma’am kasi anniversary naming ng asawa ko at saka birthday niya!” At bigla na naman siyang tumawa na parang excited at kinikilig. “Talaga po?” tanong ko sa kanya, “…ilang taon na po kayong dalawa?” “30 years na kami ngayon,” sagot niya. “Kaya nga uuwi po ako ng maaga para ilabas siya.” Ang sweet naman nitong si Manong. Doon nagsimula ang kwento ni Manong.

Sa totoo lang, ang dami niyang kwento. Naikwento nya sa akin na may tatlo na silang anak at lahat ay may trabaho na. May asawa na rin iyong dalawang anak niya at may apo na rin siya.

Ipinagmamalaki niya na naitaguyod niya ang lahat ng anak niya sa pagmamaneho. Sabi niya, “Edukasyon lang ang maaari kong ipamana sa mga anak ko. Sabi ko sa kanila, nasa inyo kung babalewalain nyo ang pag-aaral nyo. Kung ayaw ninyong matulad sa akin, mag-aral kayong mabuti para magkaroon kayo ng mas magandang trabaho. Sa awa ng Diyos, nakapagtapos sila lahat at saka may mga trabaho na sila.”

Natuwa rin ako nung sinabi ni Manong na hanggang ngayon lumalabas pa rin silang mag-anak pag araw ng Linggo. Madalas daw magsisimba muna silang mag-anak tapos magpupunta ng mall para magpahangin, tapos kakain sa labas saka uuwi sa bahay. Hindi ko magawang hindi mainggit kasi ngayon pag araw ng Linggo halos kanya-kanya na kami sa bahay. Siguro dala na rin nang wala na ang daddy ko, may kanya-kanya ng pamilya ang mga kapatid ko at si mommy madalas nagseserve sa simbahan pag Linggo. Hindi ko naitago iyon sa kanya. Sabi nya sa akin sinusubukan nilang gawin iyon tuwing Linggo kasi iyon lang daw ang tanging oras na magkakasama silang lahat. Alam daw ng mga anak niya na importante na tuwing araw ng Linggo eh magkakasama sila.

Muli, napatawa si Manong Taxi. “Ma’am, saan po kaya magandang dalhin si misis mamaya? Naisip ko diyan sa Boulevard. Marami naman sigurong pwedeng kainan diyan ano po? Siguro tama na iyong P500 sa aming dalawa.” Di ko maikubli ang kilig na nadarama, “ang sweet naman talaga ni manong” isip ko.
“Kayo lang po ba dalawa? Hindi nyo po isasama ang mga anak ninyo?” “Naghanda nga sila sa bahay ngayon eh,” sagot niya. “Hindi nila alam na hindi kami kakain dun. Kami lang ni misis ang nag-usap. Hindi nila alam na hindi sila kasama mamaya.” Natawa siya ulit. “Ngayong gabi, kami lang ni misis, minsan isang taon lang naman kami lumabas na dalawa. Araw naman naming ngayon.” Awwww…sweet.

At parang hindi pa sapat iyon, buong pagmamalaki niyang sinabi sa akin na binilhan niya ang asawa niya ng regalo para sa ika-30 nilang anibersaryo: “Nakabili na rin nga ako ng silver na singsing para sa misis ko. Para naman may maibigay ako sa kanya ngayon. Pinag-ipunan ko nga iyon eh. P345 pesos ang bili ko dun.” Pagkabanggit niya nito, hindi ko na talaga napigilan sabihin sa kanya na ang swerte ng misis niya sa kanya at dasal ko na sana makatagpo rin ako ng lalaking tulad niya. Napangiti lang si Manong.

Sa tuwa ko kay Manong, dinagdagan ko ang bayad ko. Sabi ko, pandagdag niya sa kain nila ni misis. Hindi ko na inisip kong binobola lang ako ni Manong sa kwento niya. Kung alam lang niya, mas madami akong natutunan sa mga kinuwento niya sa akin. Ang pakiramdam ko para akong ibang tao pagkababa ko ng taxi niya.



No comments:

Post a Comment